Si Coach Brian Esquivel ang head coach ng volleyball teams ng Letran. Labing-isang taon ng head coach ng Letran ang dating NCAA star. Sa unang pagkakataon, naitalaga si Coach Brian bilang head coach ng isang koponan sa commercial league. Bukod sa Letran, hawak niya ngayon ang Meralco Power Spikers. Sa isang panayam kay Bandera Correspondent Eric Dimzon, inilarawan ni Coach Brian ang pamumuno sa dalawang magkaibang koponan.
1. Paano ka nagsimula sa pagco-coach ?
Nag-start ako after graduating. Tinulungan ako ng Coach Nes (Pamilar). Tinanong niya ako kung gusto ko siya tulungan as trainer sa Letran. Ang naisip ko nuon suklian ang lahat ng naitulong sa akin ng Letran. Athletic scholar kasi ako dati sa Letran. Nag-champion kami from 1998 to 2000 sa NCAA. I was the team captain then of Letran. So, gusto ko talagang sulian ang kabutihan sa akin ng Letran by being the trainer and eventually the coach of Letran's volleyball teams.
2. Ano ang pagkakaiba sa pagco-coach sa Letran at Meralco ?
Napakalaki ng difference. Sa collegiate, developmental kasi. You have to train collegiate players for them to improve and reach their full potential. Sa commercial, set na yung skills ng players at teamwork na lang ang kailangang ayusin.
3. Mahirap ba na maraming star players sa team ng Meralco ?
Actually, may pressure nga eh. Syempre, sa case ng Meralco, nage-expect ang big bosses ng panalo. Pero sabi ko nga, hindi ganun kadali manalo agad-agad. Kahit na meron kaming Penetrante, Marano, Mercado at Morada, iba pa rin yung matagal nang magkakasama. Nabuo lang kami a month before the start of Shakeys VLeague. Ang mga kalaban namin, matagal nang magkakasama. Kaya sabi ko nga na hindi agad-agad yung panalo. Pero ipinangako ko na magi-improve yung team in every game.
4. Ano naman ang tsansa ng Letran sa NCAA ?
This year, malaki ang chance namin. Yung height ng teams namin, hindi nalalayo sa height ng mga kalaban. Yung skills naman ng players, constantly improving naman. Konting plantsa na lang. Ang maganda, lalaban nang pukpukan ang Letran.
5. Ano ang susunod para sa Meralco Power Spikers pagkatapos ng Shakeys VLeague ?
Naghahanda kami for invitationals. Magkakaroon rin kami ng clinics under the Meralco foundation. Pagkatapos ng clinics, Shakeys Reinforced conference na.
6. Ano ang hinahanap mo sa isang volleyball player ?
Malaking advantage talaga ang height nung player. Dati, hindi gaano pinahahalagahan ang height. Pero ngayon, palakihan na ang labanan. Then yung skills. At syempre yung disiplina.
7. Ano ang masasabi mo sa bagong buong national volleyball teams ng Pilipinas ?
I consider them powerhouse teams. Nandun na ang lahat ng star players. Maganda rin ang program ng PLDT for the national teams. Todo ang suporta ng PLDT sa Pilipinas Bagwis at Amihan. Hindi lang isang taon ang suporta kundi long-term. Maging ang PSC at POC umayon sa programa ng PLDT para sa national volleyball teams.
8. Kaya ba ng Pilipinas na manalo uli sa international tournaments sa volleyball ?
Kayang-kaya natin ibalik ang glory days ng Pilipinas sa volleyball. Mga 4 years na continuous ang training na may exposure abroad, sigurado gagaling ang national teams. At yung height natin, hindi na malayo sa height ng mga kalaban. At sa tulong ng PLDT, kayang-kaya nating manalo.
9. Ano ang maipapayo mo sa mga nangangarap na maging volleyball stars ?
Kailangan continuous ang training nila. Maghanap sila ng coach na gagabay sa kanila. Maraming players ang nadidismaya pag hindi sila nakuha sa tryouts. Sana huwag silang panghinaan ng loob at magpatuloy lang sila sa paglalaro.