Wednesday, October 1, 2014

ANG GILAS PILIPINAS AT 2016 OLYMPICS

Matapos lumagpak sa ika-pitong puwesto sa Incheon Asian Games, agad na inihayag ng pamunuan ng Gilas Pilipinas ang ambisyon nilang makapasok ang Gilas sa 2016 Rio Olympics. Bagamat maganda, ito ay di nakaugat sa realidad.

Ang katotohanan, isa lang mula sa Asya ang papasok sa 2016 Olympics sa pamamagitan ng 2015 FIBA Asia Championships. Kung sa Incheon Asian Games ay di man lang pumangatlo ang Gilas Pilipinas, ano pa ang maaasahan sa koponan sa mas prestiyosong Asian Championships ? Tiyak na magpapakamatay ang lahat ng mga koponan sa Asian Championships sa paghahangad na makasali sa 2016 Olympics.

Hanggang walang pagbabago sa Gilas Pilipinas, di ito makakausad sa Rio Olympics. Hanggang hindi natutunan ni Coach Chot Reyes na itikom ang kanyang bibig, patuloy na madidismaya sa kanya ang mga players at fans. Hanggang hindi natutugunan ni Coach Chot ang 4th quarter collapse ng Gilas, kabiguan at pagkatalo lamang ang aanihin ng kanyang koponan. Hanggang hindi niya napapag-aralan ng mabuti kung paano matatalo ang Iran at South Korea, pighati pa rin ang mararanasan ng mga tagahanga ng Gilas.

At ang pinakamasaklap sa lahat, mananatiling nangangarap nang gising at nakanganga ang sambayanan.

No comments:

Post a Comment