Thursday, June 12, 2014

COBRA-PDBF ELITE TEAM SA UNANG DRAGON BOAT WORLD CUP : KUWENTO NG TAGUMPAY SA GITNA NG KAHIRAPAN

Matapos mamayagpag sa nakaraang Asian Championships, muling nagpakitang-gilas ang Cobra-PDBF Elite Team sa pinaka-prestihiyosong torneo para sa dragon boat. Nanalo ng 2 ginto at 1 pilak ang koponan sa kauna-unahang Dragon Boat World Cup upang magtapos sa ikalawang puwesto sa pangkahalatan. Nanguna ang Tsina at pumangatlo ang Canada sa torneo na nilahukan ng 16 sa pinaka-mabibilis na koponan sa buong mundo.

Sa kabila ng tagumpay ng Cobra-PDBF Elite Team, nananatili akong malungkot para sa koponan. Hanggang ngayon, di ito kinikilala ng Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission. Dahil dito, patuloy na di nakakatanggap ng suporta sa pamahalaan ang koponan. Hanggang ngayon, nananatiling bulag, pipi at bingi ang pamahalaan sa tagumpay na patuloy na inihahatid ng koponan para sa bansa.

Ipinagbigay-alam ko na rin kay Sen. Sonny Angara ang kalagayan ng koponan.  Subalit wala pa ring ginagawang aksyon ang senador para kilananin ang koponan. Marahil, ngayong nanalo na naman ang koponan, mapipilitan nang kumilos ang senador na siyang punong-abala sa  Senate Committee on Sports. Mapipilitang kumilos ang senador para makisawsaw sa tagumpay ng koponan.

Ang pinaka-mahalagang aral na lang na mapupulot sa karanasang ng Cobra-PDBF Elite Team ay ang di pag-asa sa tulong ng pamahalan para magtagumpay sa larangan ng palakasan. Ang determinasyong magtagumpay pa rin ang pinaka-mahalaga. Di pa rin kayang pataubin ng pamumulitika ang likas na galing at husay ng atletang Pinoy.

Mabuhay ang Cobra-PDBF Elite Team !

.


No comments:

Post a Comment