May dahilan na naman ang Gilas Pilipinas sa sunud-sunod na pagkatalo sa mga tune-up games. Ayon sa balita, naho-homesick ang mga players ng pambansang koponan sa basketball kaya natatalo. Sadyang nakakatawa at nakakainis ang dahilang pinalilitaw ng mga namamahala ng team sapagkat wala pa ata isang buwan nakakaalis ang koponan at homesick na ito.
Ayaw man aminin ng mga taga-Gilas Pilipinas, ang totoong dahilan kung bakit panay talo ang koponan ay dahil kulang ito sa paghahanda para sa matinding bakbakan. Ang official line-up ng Gilas para sa FIBA World Cup ay nagawa tatlong araw pa lang ang nakakalipas. Ang pamatay na three point shooting ng koponan ay di gumagana. Mas magaling pa sa three point shooting ang mga matatangkad na Ukrainian players kumpara sa mga pambato ng ating koponan. Si Andray Blatche ay isang malaking kabiguan bilang naturalized player. Sa halip na legitimate center ang posisyong laruin, si Blatche ay nag-aastang shooting forward.
Hanggang nananatiling bulag sa katotohanan ang mga namamahala sa Gilas Pilipinas, patuloy na matatalo ang ating koponan. Hindi uubra ang drama sa isang kumpetisyon na tulad ng FIBA World Cup.
No comments:
Post a Comment