Nakakapagtaka na ang karamihan sa mga Pilipino ay masaya na sa ipinapakita ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup sa Spain. Masaya na ang karamihan na dikit ang laban ng Gilas sa mga bansang tulad ng Greece, Croatia at Argentina. Proud na ang mga Pinoy na lumalaban nang husto ang pambansang koponan sa itinuturing na pinakamagagaling na bansa sa basketball.
Subalit ang FIBA World Cup ay patungkol pa rin sa dami ng panalo na maitatala ng isang bansa. Panalo ang batayan ng kagalingan at di kung paano lumaban ang isang koponan. Ang pagpuri sa laro ng Gilas Pilinas ay parang pagpapalaganap lamang ng kakulangan ng koponan. At ang kaisipan na ito ang kailangan ingatan ng mga Pinoy. Nawawala ang kultura ng pagwawagi sa patuloy na pagpapahalaga sa pagkatalo. Nawawala ang pagpapahalaga na kailangan manalo sa ano mang laban.
Ang pagiging talunan ay di kailanman dapat parangalan. Sa larangan ng palakasan, ang medalyang ginto o championship trophy pa rin ang dapat kamtan. Ang pag-unlad at pagnanasang maging pinakamagaling ay mag-uugat lamang sa paniniwalang ang panalo ay ang nag-iisang tanda ng kagalingan.
No comments:
Post a Comment