Tuesday, September 9, 2014

GILAS SA ASIAN GAMES : GILAS LAST HOME STAND PART 2 ?

Minsan pa, saksi ang taumbayan sa di pagsunod sa alituntunin ng pamunuan ng Gilas Pilipinas. Tulas nang di pagsunod sa alituntunin ng NBA na humantong sa kahihiyang Gilas Last Home Stand, pinipilit na naman ng mga tao sa likod ng Gilas Pilipinas na lumusot sa patakaran ng Olympic Council of Asia hinggil sa nalalapit na Asian Games sa Korea. Pinipilit ng MVP group na isali si Andray Blatche sa Asian Games kahit ilang beses nang sinabi ng OCA na hindi puedeng maglaro ang naturalized player ng bansa. Sa sobrang pagpupumilit, pati ang FIBA any isinangkot na rin sa usapin. Ang FIBA naman, parang tuta na nakiusap sa OCA para sa MVP group.

Tulad ng Gilas Last Home Stand, matagal nang alam ng pamunuan ng Gilas Pilipinas ang puede at hindi puede. Dalawang buwan na ang nakalilipas nang sabihan sila na hindi puedeng maglaro si Blatche dahil sa residency rule.  Sa pagsumite pa lang ng line-up para sa Asian Games, alam na ni Coach Chot Reyes na sasabit si Andray Blatche sa residency rule. Simula pa lang, batid niya na may posibilidad na magkakaproblema ang kanyang koponan pag sinama niya ang pangalan ni Blatche sa line-up. Subalit tinuloy niya pa rin ang gusto niya.

Pilit na pinalilitaw ng MVP group na ginigipit lang ang Gilas Pilipinas ng Korea. Ayaw ng Korea na manalo ng gintong medalya ang Gilas kaya hindi pinapayagan si Blatche na makapaglaro. Subalit maging ang Korea ay di rin pinayagang isama ang isang Amerikano sa kanilang koponan. Si Aaron Hayes ay di rin pinayagan ng OCA na makapaglaro para sa Korea.

Ngayon, binabalak ng pamunuan ng Gilas Pilipinas na i-boycott ang Asian Games. Tignan natin kung hanggang saan ang tapang ng pamunuan ng Gilas Pilipinas sakaling patawan sila ng multa at bigyan ang bansa ng suspensyon sa pagsali sa Olympics kapag itinuloy nila ang balak nilang boycott. Tulad ng Gilas Last Home Stand, siguradong mauuwi lang sa matinding kahihiyan ang boycott na binabalak ng pamunuan ng Gilas Pilipinas.


No comments:

Post a Comment