Natalo ang GInebra kontra Alaska kagabi sa iskor na 92-91. Kinailangan ng Ginebra na umiskor sa huling 5 segundo ng laro. Sa kasamaang palad, naagawan ng bola si Eric Menk sa huling play. Kaya, tuluyang namaalam na ang Ginebra sa kasalukuyang conference.
Tulad nang maraming tagahanga ng Ginebra, ako ay wala nang nakikitang dahilan pa upang subaybayan ang semifinal round ng PBA. Wala sa apat na pumasok na teams ang nagtataglay ng never-say-die attitude ng Ginebra. Sa malamang, mag-walkout pa ang isang team sakaling di pabor ang mga tawag ng reperi dito. Ang isang team naman ay pinamumunuan ng isang superstar na may tinatagong masamang ugali na ugat ng kanyang problema sa sariling pamilya. Ang isa namang koponan ay hitik sa mga star players na walang mga karisma sa fans. At ang huling koponan ay binubuo ng mga foreigners na sadyang di abot ng mga pangkaraniwang fans. Marahil, maghihintay na lang ako sa pagbabalik ng Ginebra sa susunod na season ng PBA.
Maraming salamat sa Ginebra sa pagbibigay kaligayahan sa mga fans. Di biro ang ginawa ng Ginebra na bumangon sa 0-2 na pagkakadapa sa serye upang magsagawa ng isang do-or-die game kontra Alaska. Maraming salamat sa pagpapakita nang katatagan ng loob sa gitna ng pagkasawi. Isa itong paalala sa mga tao na kailanman ay di dapat sumuko. Bagkus, magsikap upang sa susunod ay makamtan ang minimithi. Maraming salamat rin kay Cathy, maybahay ni Coach Jong, sa walang sawa nitong pagbibigay ng tiket sa mga laro ng Ginebra. Ang kabaitan ni Cathy ay isang magandang halimbawa ng pagmamahal at pagmamalasakit ng mga taong bumubuo ng Ginebra. Kahit natalo ang Ginebra, tiyak akong mananatiling maka-Ginebra pa rin ang milyun-milyon nitong mga tagahanga. Hanggang sa susunod na season ng PBA, ako at marami pang iba, ay mananatiling tagahanga pa rin ng Ginebra.
No comments:
Post a Comment