Friday, March 28, 2014

IBALIK ANG PHILIPPINE DRAGON BOAT TEAM AT MAGBITIW NA ANG DAPAT MAGBITIW

Lumabas rin sa wakas ang katotohanan. Ayon sa COA report na lumabas sa Manila Bulletin, may unliquidated cash advances ang Philippine Canoe Kayak Federation na nagkakahalaga ng PhP783,200.00. Ang COA report ay matinding patunay na tama ang sinasabi ng tinanggal na Philippine Dragon Boat team na may anomalya kaugnay sa pananalapi ang kanilang national sports association.

Ngayon, wala nang dahilan pa ang PCKF, PSC at POC na paratangan na gawa-gawa at pambabastos lamang ang mga pinagsasabi ng tinanggal na dragon boat team. Wala nang dahilan upang kampihan pa nina Peping Cojuangco at Richie Garcia sina PCKF President Jonne Go at Coach Len Escollante. Sa inilabas ng COA, lantarang nabunyag ang maling pagkampi at pagtatanggol nina Cojuangco at Garcia kina Go at Escollante.

Dapat managot sina Cojuangco, Garcia, Go at Escollante sa ginawa nila sa buong dragon boat team. Hindi biro ang pagpapahirap at pagyurak sa karapatan na ginawa nilang apat sa mga miyembro ng Philippine Dragon Boat team. Kung may natitira pang delikadeza at katinuan sa pagiisip ang apat na sports officials na ito, marapat lamang na ibalik nila ang buong team sa national pool. Marapat din na pagisipan nila ang pagbibitiw sa puwesto sa sobrang pagkakamali na nagawa nila.

No comments:

Post a Comment