Headline sa isang pahayagan ang paghabol diumano ng Commission on Audit o COA sa mga indibidwal at organisasyon na hindi ma-liquidate ang perang bigay ng gobyerno. Ayon sa ulat, magsasampa ng kaso ang COA sa mga mapapatunayang lumustay ng pera ng bayan. Maganda ang panukalang ito ng COA. Subalit gaano kadesidido ang nasabing ahensiya sa paghabol sa mga tiwali ?
Apat na buwan na akong humihingi ng COA report hinggil sa liquidation ng Philippine Canoe Kayak Federation na isang NSA sa ilalim ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee. Batay sa nakuha kong impormasyon, imposibleng ma-liquidate ng PCKF ang iba nitong nakuhang pera mula sa PSC. Nais kong makita kung walang prinoprotektahan ang COA at makatotohanan ang report nito. Sa loob ng apat na buwan, walang report na ipinabasa o ibinigay sa akin ang COA. Sa halip isang email ang ipinasa sa akin ng tinanggal na Philippine Dragon Boat team.
Mga katanungan sa halip na kasagutan ang pinalutang ng naturang email. Una, bakit di puedeng ilabas ang report gayung ito ay isang public document ? Bakit ang PSC ang binigyan ng report gayung ako at ang tinanggal na dragon boat team ang humihingi nito ? Bakit naglabas ng circular ang COA mismo na nagsisilbing balakid sa pamamahagi ng mga reports ? Higit sa lahat, bakit kailangan pa ng komento ng PCKF at PSC sa report ?
Ang kinukuwestiyon kong liquidation ay nuon pang 2012 dapat naayos. Sa loob ng dalawang taon, hindi nakuhang kasuhan ng COA ang PCKF, PSC at POC. Sa katunayan, mababaon na sana ito sa limot kung hindi nagreklamo mismo ang buong Philippine Dragon Boat team patungkol sa anomalya. Ngayon, masasabi ba na seryoso ang COA sa paglalantad at pagpaparusa sa mga tiwali ?
No comments:
Post a Comment