Saturday, July 4, 2015

KILOS PHILIPPINE VOLLEYBALL FEDERATION !

Sa gitna ng mga kasinungalingan ng Philippine Olympic Committee (POC) at Larong Volleyball sa Pilipinas inc. (LVPI) na ibinuko mismo ng Philippine Sports Commission (PSC), sadyang nakakapagtaka ang katahimikan ng Philippine Volleyball Federation (PVF). Ni isang pahayag na kumukondena sa mga kasinungalingan ay walang lumalabas mula sa PVF.

Hindi dapat palampasin ang ginawang panlilinlang ng POC at LVPI  sa players at sambayanan nang sabihin ng mga ito na ang kanilang mga binuong koponan ay mga pambansang koponan. Di biro ang perwisyo na ibinigay ng POC at LVPI sa PVF  nang sabihin ng mga ito na LVPI na ang kinikilalang NSA para sa volleyball sa bansa. Di rin katanggap-tanggap na ni isang COA required document ay walang naisusumite ang LVPI hanggang sa kasalukuyan.

Sa tinatamasang suporta ng PVF sa publiko, marapat lang na suklian ito ng PVF nang tamang pagkilos at gawa. Walang karapatan ang PVF na maghintay lamang sa desisyon ng korte sa kasong inihain nito laban sa POC at LVPI. Dapat maging masigasig ang PVF sa pagbatikos sa lahat ng mali na nakikita nito sa loob at labas ng volleyball. At buong tapang dapat nitong ipinagsisigawan ang mga kamaliang ito upang umalingawngaw sa buong kapuluan at magsilbing mitsa ng pagbabago.

No comments:

Post a Comment