May isasagawang congressional inquiry si Rep. Lino Cayetano hinggil sa panggigipit at pangugulo ng Philippine Olympic Committee sa Philippine Volleyball Federation.
Dapat sana ay matuwa ako sa pagtulong ni Rep. Lino Cayetano sa volleyball. Subalit may nakapagsabi sa akin na malapit na kaibigan ng mga Cayetano si Tats Suzara. Matatandaan na si Tats Suzara ang naging tulay upang makapagsumbong ng kung anu-ano sina Peping Cojuangco at Joey Romasanta sa mga opisyal ng AVC. Nangangamba ako na gagamitin lang ni Cayetano ang kongreso upang linisin ang pangalan ni Suzara. Kailangan na kailangan ni Suzara na bumango sa publiko matapos maging pangunahing tauhan sa panggugulo ng POC sa PVF. At si Rep. Cayetano at ang kongreso ay maganda at epektibong panlinis ng pangalan niya.
Naging malawak rin ang aking karanasan sa kampo ni Sen. Pia Cayetano nuong nagkaroon ng problema ang Philippine Dragon Team sa POC. Nangako si Sen. Cayetano at kanyang staff na hindi pababayaan ang Philippine Dragon Boat. Subalit ang kanilang pangako ay napako. Napalayas sa Rizal Memorial grounds ang Philippine Dragon Boat Team. Sa kangkungan ngayon ang koponan na naghatid sa bansa ng sandamukal na karangalan.
Kaya kung umaasa pa ang mga volleyball fans na mareresolba ang problema ng PVF sa POC sa pamamagitan ng mga Cayetano, tiyak akong mabibigo lang sila. Nasa kamay pa rin ng mga volleyball fans ang tunay na ikapapanalo ng Philippine volleyball.
No comments:
Post a Comment