The Gold Medal focuses on the men and women who show excellence in sports and sports management. The Gold Medal likewise honors athletes and sports officials who try to effect change in Philippine sports.
Friday, December 13, 2013
POC AT PSC : NASAAN ANG MGA GINTONG MEDALYA ?
Sa kasalukuyan, nasa ika-walong puwesto ang Pilipinas sa ginaganap na Southeast Asian Games sa Myanmar. Tatlong medalyang ginto pa lang ang napapanalunan ng bansa tatlong araw matapos ang opisyal na pagbubukas ng pangrehiyon na torneo.
Bago pa man sumabak sa kumpetisyon ang ating mga atleta, marami nang reklamo ang inihayag tungkol sa patakaran ng POC at PSC na ang ipapadala lamang sa Myanmar ay yung mga may tsansang manalo ng medalyang ginto. Marami ang nagreklamo sa nasabing patakaran, kabilang na ang men's football at women's volleyball. Gayun pa man, nasunod ang kagustuhan ng POC at PSC na ipadala lamang ang mga sa tingin nila ay maguuwi ng medalyang ginto.
Subalit sa nangyayari ngayon, nasaan ang inaasahang mga ginto ng POC at PSC ? Marami na ang mga nakapaglaro sa ating mga atleta subalit tatlong gintong medalya pa lang ang nasusungkit ng Pilipinas. Ang Myanmar ay may dalawamput-anim na gintong medalya na samantalang may dalawamput-dalawa naman ang Vietnam.
Paano ba naman di mangangamote ang Pilipinas sa torneo gayung di ipinadala ng POC at PSC ang dragon boat team na kayang manalo ng labing-limang gintong medalya ? Hindi ipinadala ang koponan na nagkamit ng anim na gintong medalya sa World Championship dahil lamang nagtanong ito sa pamunuan ng Philippine Canoe Kayak Federation kung saan napupunta ang nawawalang allowances at incentives. Sadyang wala sa katinuan ang PCKF, POC at PSC sa di pagpapadala ng dragon boat team sa SEA Games at pagpaparusa sa mga atletang may lakas ng loob na kuwestiyunin at isiwalat ang mali.
Marahil, panahon na para umaksyon ang Pangulo sa kabaliwang nagaganap sa POC, PSC at NSA's. Dapat na siguro gawan ng paraan ng pangulo ang pamamahala ng kanyang tiyuhin sa POC na si Peping Cojuangco. Siya lamang at wala ng iba ang may kakayanang baguhin ang takbo ng palakasan sa bansa.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment