Tuesday, February 15, 2011

PASA AT ASAP : SINO ANG NASA MATUWID NA DAAN ?

Bago ko pa man isinagawa ang panayam kina dating senador Nikki Coseteng at ASAP leader Susan Papa, nagsagawa na ako nang pagsasaliksik. Kaya, inasahan ko na sa aking panayam na maraming maisasawalat na alegasyon ng katiwalian patungkol sa kasalukuyang president ng Philippine Aquatics Sports Association na si Mark Joseph. Tulad nang inaasahan ko, naungkat sa panayam ang panggigipit diumano ni Mark Joseph sa mga Philippine swimmers na di miyembro ng PASA na humantong pa sa pagbawi ng mga medalya ng mga nanalo sa international competitions. Nariyan din ang puwersahang pagpapasunod sa mga swimmers sa mga patakaran ng PASA kahit na ang mga ito ay magastos at di makabuluhan.
Subalit ang di ko inasahang malalaman ay ang pagtanggap ng PASA president ng milyun-milyong pondo mula sa Pagcor nang walang kaukulang audit. Hindi nagsagawa ng audit ang COA sa PASA hinggil sa mga natanggap na tseke. Nakakapagtaka rin na nakatanggap ang PASA ng mga tseke nang di dumadaan sa PSC. Sa katunayan, mismong ang PSC pa ang humingi ng mga detalye mula sa PASA kung saan napunta ang mga tseke ng Pagcor. At ang pinakamalaking palaisipan ay kung bakit hinayaan pa rin ni POC President Peping Cojuangco na manatilili sa puwesto si Mark Joseph sa kabila ng mga reklamo laban sa kanya. Sa katunayan, iniluklok pang board member at  deputy secretary general si Mark Joseph sa POC ni Peping Cojuangco sa ngayon. Ang isa ko lamang napansin ay ang inirereklamong mga tseke ng ASAP ay nuong 2008 pa ibinigay ng Pagcor sa PASA.
Kinuha ko ang panig ng presidente ng PASA subalit pinili niyang di sagutin ang mga akusasyon ng ASAP. Subalit niyaya niya akong dalhin ang mga pruweba diumano ng ASAP at kanyang ipapaliwanag ang mga ito. Idinagdag ni Mark Joseph na hindi daw gawain at ugali ng PASA na makialam sa mga gawain ng ASAP. Idinagdag rin niya na ang lahat ay maayos lamang kung matututong sumunod ang ASAP sa patakaran at alituntunin ng PASA at FINA. Sa buong panayam, naging mahinahon at magalang ang presidente ng PASA sa pagsagot sa mga tanong na aking ibinato sa kanya.
Marahil, ang tanging solusyon sa alitan ng PASA at ASAP ay ang pagsasagawa ng isang malinis at maayos na eleksyon para sa pagkapangulo ng swimming association. Ito lang ang tanging paraan na nakikita ko upang maayos na ang sigalot sa pagitan ng PASA at ASAP at sa mga namumuno nito. Sana makuha naman ng mga namumuno ng ASAP at PASA na magkasundo para na rin sa mga swimmers na ang hangad lamang ay makapagbigay ng karangalan sa bansa.

No comments:

Post a Comment