Sunday, May 1, 2016

WAGI ANG UST SA 19TH NESTEA BEACH VOLLEYBALL SA BORACAY

courtesy of pilipinasdaily.com

UST ang hari at reyna ng collegiate beach volleyball sa Pilipinas!

Tinanghal na kampeon ang University of Santo Tomas (UST) sa men's at women's division sa pagtatapos ng 19th Nestle Beach Volleyball sa Villa de Oro beachfront, Boracay nitong ika-30 ng Abril, 2016.

Tinalo ng UST ang University of San Jose Recoletos (USJR) sa men's division sa iskor na 21-11 at 21-18, para makopo ang kampeonato. Naging mautak sa paglalaro ang UST tandem na sina Kris Rey Guzman at Anthony Lemuel Arbastro kontra sa pares ng USJR na sina Alastair Ian Gairanod at Kent Jay Verbosidad. Nilalaglag ng mga taga-UST ang bola sa lugar na walang katao-tao. Sinabi ni UST Men's Beach Volleyball Team Coach Paul Jan Doloiras, sobrang saya niya sa pagkapanalo ng kanyang koponan dahil pinaghirapan nila ito. Masaya siya sa pagkakasali ng kanyang koponan sa torneo at binigyan pa raw sila ng bonus sa pagkakapanalo bilang kampeon. Hindi nila inasahan na mag-champion dahil lahat ng kasali ay magagaling. Lalo pa raw na pumasok lang sila sa finals bilang wildcard. Pero ipinaubaya daw nila ang lahat sa Diyos at ginawa lang nila ang kanilang makakaya. Nakatulong daw nang malaki sa kanilang tagumpay ang hindi pagbitiw ng kanyang mga players hanggang sa dulo.

Sa panig ng kababaihan, tinalo naman ng UST ang University of Mindanao Tagum (UMT) sa iskor na 21-14 at 21-14. Maraming errors ang pares ng UMT na sina Dannah Angela Quisado at Cris Asena sa kabuuan ng laro. Naging epektibo naman ang mga spikes nina Cherry Rondina at Jem Nicole Gutierrez ng UST. Kaya naging madali para kina Rondina at Gutierrez na sungkitin ang titulo. Ayon kay Coach Emil Lontoc ng UST Women's Beach Volleyball Team. naging susi sa tagumpay ng UST ang training nila. Naging dedicated ang players nila sa training at very cooperative ang lahat. On time daw palagi sa training ang mga players ng UST. At higit sa lahat, nakikinig ang mga players sa coaches nila. Dagdag pa ni Coach Emil, pag gifted ang players at dedicated sa training, maganda ang magiging resulta.

Nagtapos bilang 1st runner-up ang USJR, 2nd runner-up ang Holy Child of Davao College at 3rd runner-up ang Southwestern University sa men's division. Sa panig ng kababaihan, 1st runner-up ang UMT, 2nd runner-up ang San Sebastian College Recoletos at 3rd runner-up ang University of Negros Occidental Recoletos.

Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng Nestle Beach Volleyball na nagmula sa iisang paaralan ang kampeon sa dalawang dibisyon. Nag-uwi ng tropeo, medalya at dalawang daang libong piso ang men's at women's beach volleyball team ng UST sa kanilang pagkakapanalo

No comments:

Post a Comment