Friday, June 19, 2015

PVF SA GITNA NG POC AT PSC : NASAAN ANG HUSTISYA ?

Ang double registration sa SEC ng Philippine Volleyball Federation ang itinuturong dahilan ng POC ar PSC  sa pagbawi ng pagkilala at tuluyang pagbuwag sa 64-year old volleyball NSA. Kaya naman, minarapat ng inyong lingkod na imbestigahan ang estado ng SEC registrations ng sampung iba pang NSA's. Sa pamamagitan ng imbestigasyon, makikita kung makatwiran ba o hindi ang ginawa ng POC at PSC sa PVF.




Kapansin-pansin na wala ni isa sa sampung NSA's na inimbestihan ang nagtataglay nang malinis na SEC registration. Tatlo sa mga ito ang revoke na ang SEC registration nuon pang 2003. Ito ay ang Philippine Bowling Congress, Philippine Weightlifting Association at Philippine Sepak Takraw Association. Sa kabila ng revoked na SEC registrations, patuloy na kinikilala at pinopondohan ng POC at PSC ang mga nabanggit na NSA's hanggang sa kasalukuyan.




Ang Philippine Fencing Association, Philippine Rowing Association, Philippine Wushu Federation at Integrated Cycling Federation of the Philippines, bagamat active ang SEC registrations, ay pawang mga kandidato na para sa revocation. Ayon sa Corporation Code of the Philippines, ang di pagsumite ng mga nabanggit na NSA's ng General Information Sheet at Financial Statements sa SEC ng limang magkakasunod na taon ay sapat ng dahilan upang i-revoke ang kani-kanilang SEC registrations. Tulad ng mga NSA's na revoked na ang SEC registration, patuloy na kinikilala at pinopondohan ng POC at PSC ang apat na NSA's.



Ang Philippine Badminton Association at Philippine National Shooting Association ay nagbayad naman ng penalties upang masolusyunan ang di pagsumite ng mga dokumento nung mga nakalipas na taon.



Kakaiba naman ang SEC registration ng Integrated Cycling Federation of the Philippines dahil dalawang SEC numbers ang hawak nito. Ganun pa man, di ito alintana ng POC at PSC. Patuloy ang pagpopondo ng POC at PSC sa Integrated Cycling Federation of the Philippines.

Sa mga rebelasyong ito, di maiwasang itanong kung bakit bukod-tangi na binawian ng pagkilala ng POC at PSC ang PVF. Sa gitna ng mga NSA's na mahigit isang dekada nang revoked ang SEC registrations, bakit ang PVF, na malinis na ang SEC registration ngayon, ang napiling buwagin ng POC at PSC ? Bakit nagawang tuldukan ng POC at PSC ang papaganda nang pamamalakad ng PVF nang dahil sa SEC registration nito gayung ang Philippine Integrated Cycling Federation of the Philippines ay may dalawa ring SEC registration numbers subalit patuloy na kinikilala at pinopondohan ?

Ngayon, makatwiran ba ang ginawa ng POC at PSC sa PVF ? Malinaw na malinaw na hindi.

No comments:

Post a Comment