Sunday, August 7, 2016

MAGHANDA NA NANG PANTAPAT KAY POC PRESIDENT PEPING COJUANGCO

courtesy of philstar.com

Tatlong atleta ng Pilipinas ang agad na nasibak sa unang araw pa lang ng kumpetisyon sa Rio Olympics. Hindi pinalad na makapasok sa 1st round of competition sina Charly Suarez ng boxing, Ian Lariba ng table tennis at Jessie Lacuna ng swimming matapos ang preliminaries. Sa malamang, wala na naman mapapanalunang medalya ang Pilipinas sa pinakamalaking torneo sa buong mundo.

Muli, isisisi ng mga opisyal ng Philippine Olympic Committee (POC) sa kakulangan ng pondo ang pagkatalo. Sisisihin nina Peping Cojuangco, Joey Romasanta at iba pa , ang lahat maliban sa kanilang sarili.

Kaya naman, ngayon pa lang ay maghanap na ang Philippine Sports Commission (PSC) at ilang matitinong National Sports Associations (NSA's) ng pantapat kay Peping Cojuangco sa darating na POC election sa Nobyembre. Si Cojuangco at kanyang mga kaalyado ang patuloy na sumisira sa Philippine sports. Sa ilang taon nilang pagkakapwesto, patuloy na nangamote ang Pilipinas sa Olympics. Ang mga kinikilalang NSA's at sports officials ng POC ay pawang mga walang silbi at magaling lamang manghingi ng pera sa PSC.

Hanggang hindi napapalitan sina Cojuangco, Romasanta at iba pa, walang pag-asang naghihintay sa bansa sa larangan ng palakasan. Hindi makakatikim ng tagumpay ang Pilipinas hanggang ang mga tulad nila ang patuloy na naghahari-harian sa Philippine sports.

No comments:

Post a Comment