courtesy of inquirer.net |
Nakalulungkot isipin na nananatili kayong bulag, pipi at bingi sa panggagamit sa inyo ng mga kasalukuyang namumuno sa volleyball sa Pilipinas. Halos dalawang taon na nang manggulo sina Cojuangco, Romasanta, Palou at Suzara sa Philippine volleyball at ipagkait sa inyo ang magandang layunin ng PVF national team program, Pilipinas Bagwis at Amihan. Subalit ipinagwawalang-bahala ninyo lang ang kawalan ng pambansang programa at koponan ng LVPI hanggang sa kasalukuyan.
Inilagay na kayo sa kahihiyan ng mga tinuturing na sports leaders ng bansa sa pagsabak nila sa inyo sa mga torneo nang walang paghahanda. Ilang beses na kayong binaboy sa pagbuo ng national teams sa airport at sa pamamagitan ng tawag sa telepono lamang. Subalit nananatili kayong walang imik at sunud-sunuran magpa-hanggang ngayon.
Ilang taon na lang at ang karamihan sa inyo ay mamamahinga na sa paglalaro at pagko-coach. Subalit hanggang ngayon, wala pa rin kayong maipapagmalaking pamana. Wala pa rin kayong medalyang napapanalunan sa isang prestiyosong torneo sa ibang bansa. Wala pa rin kayong mapapanghawakang malaking kontribusyon sa pagpapaganda ng patakbo ng volleyball sa bansa. At hindi ninyo pa rin nagagamit ang inyong kasikatan sa mas matayog na layunin at adhikain.
Hanggang nananatili kayong makasarili at walang pakialam, walang mangyayari sa volleyball sa Pilipinas. Pinayayaman nyo lang sina Romasanta, Palou at Suzara sa patuloy ninyong pagtangkilik sa kani-kanilang mga torneo. Ang tangi kong dasal na lang ay matauhan na kayo upang mapagtanto ninyo ang tunay na kalagayan ng volleyball sa bansa. Sa ganun, baka makuha ninyong kumilos laban sa mga mapagsamantala at walang malasakit sa inyo at sa mga susunod pang henerasyon ng mga manlalaro at coaches ng volleyball.
No comments:
Post a Comment