Nagsagawa ng eleksyon ang Philippine Canoe Kayak Federation bilang tugon sa kinasasangkutan nitong gulo. Ang eleksyon at pagbuo ng bagong Philippine Dragon Boat Team ang pinapalagay ng mga opisyal ng PCKF na magpapatigil sa gulo sa pagitan nila at ng kanilang tinanggal na mga atleta at coaches.
Subalit kapansin-pansin na ang mga lumang opisyal pa rin ang nahalal sa isinagawang eleksyon. Nagpalit-palit lamang sila ng posisyon. Ang dating secretary-general ay nahalal na ngayong presidente sa kabila nang kawalan nito ng kaalaman sa palakasan. Ang nailuklok na sec-gen ay may-ari daw ng lupa sa Tanay na pinapag-praktisan ng dragon boat athletes. Ang mga iba pang opisyal ng PCKF ay pawang mga pribadong tao na walang kinalaman sa canoe, kayak at dragon boat.
Ang pinakamatindi pa ngayon ay bumuo na ng bagong dragon boat team ang mga bagong halal na opisyal ng PCKF. Nakabuo na sila ng bagong line-up at balak nang isumite ito sa POC at PSC.
Ang malaking hamon para sa bagong halal na mga opsyal ng PCKF ay nananatili. Payag ba sila na pagtapatin ang kanilang bagong buo na koponan laban sa kanilang tinanggal na team sa isang one-on-one race ? At kung matalo ng mga tinanggal ang kanilang binuong koponan, payag ba sila na buwagin ang kanilang koponan at ibalik ang kanilang mga tinanggal ? Walang saysay na panatilihin ng PCKF ang isang koponan na hindi kailanman mananalo sa isang koponan na nakatambay lang at kukuyakuyakoy sa tabi-tabi.
No comments:
Post a Comment