courtesy of interaksyon.com |
Nagdesisyon na ang Philippine Olympic Committee sa pamumuno ni Peping Cojuangco. Tanggal na sa national pool ang world champion na Philippine Dragon Boat Team. Hinihintay na lang ng mga tinanggal na paddlers at coaches na palayasin sila sa Rizal Memorial complex ano mang araw ngayon.
Nakakalungkot isipin na ang kaisa-isang koponan ng Pilipinas na world champion ay binuwag dahil naghain ito ng reklamo laban sa sinasabing tiwaling opisyal ng Philippine Canoe Kayak Federation. Imbes na isailalim sa masusing imbestigasyon ang pinagbibintangang opisyal, nagpasiya ang POC at PSC na tanggalin na lang ang nagrereklamo. Ang nakakapagtaka, pinaboran ng POC at PSC ang isang opisyal na natanggal na dati sa PSC dahil sa katiwalian. Nakakapagtaka na patuloy pa rin ang pamamayagpag ng naturang opisyal sa kabila ng record nitong paglustay sa pera ng bayan.
Mahaba-haba ring panahon ang ginugul ko sa pagsubaybay sa mga pangyayari sa Philippine Dragon Boat Team. Naniniwala kasi ako sa ipinaglalaban nila. At naniniwala ako na sila ang nagsasabi nang totoo. Nais kong magpasalamat sa buong team sa pagtitiwalang ibinigay sa akin. Naging kaibigan ko ang buong team sa pagtutok ko sa mga pangyayari. Alam ko na di pa tapos ang laban. Marami pang maaring mangyari. Maari pang magising ang taumbayan sa kawalan ng hustisya sa nangyari sa koponan. Maaring ang galit ng taumbayan ang bigla na lamang bumungad sa mga mukha ng pamunuan ng POC, PSC at PCKF isang araw.