Monday, January 20, 2020

ANG TUNAY NA MAKAPANGYARIHAN SA PHILIPPINE VOLLEYBALL

H


Sa 36th FIVB World Congress na ginanap sa Cancun, Mexico noong 2018, bumoto ang mahigit isandaang bansa para panatilihing miyembro ng FIVB ang Philippine Volleyball Federation (PVF). Sa nasabi ring kongreso, tinuldukan ang ano mang kauganayan ng Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. (LVPI) sa FIVB.

Sa bisa ng boto ng mga miyembro ng FIVB, ang PVF ay nahirang at naitalagang National Federation (NF) ng volleyball sa Pilipinas. Ang pagkilala ng International Federation (IF) ang batayan sa pagiging NF ng isang federation ayon sa konstitusyon ng IOC, FIVB, AVC at POC.

Nagkakaroon ng problema ngayon sa volleyball sa Pilipinas dahil patuloy na di kinikilala ng POC ang desisyon ng FIVB na panatilihing NF ang PVF. Patuloy na hindi kinikilala ng POC ang desisyon ng mahigit isandaang miyembro ng FIVB. At ayaw paawat ang POC sa pagkilala sa LVPI kahit na isinuka na ito ng mga miyembro ng FIVB. Tahasang at lantarang sinusuway ng POC ang mga konstitusyon ng IOC, FIVB, AVC at maging sarili nitong konstistusyon sa pagkilala nito sa LVPI at pagtalikod sa PVF.

Kamakailan, lumabas sa isang artikulo na balak ng POC pagbuklurin ang mga volleyball stakeholders sa ilalim ng isang bagong pederasyon. Ito ay labag sa desisyon ng FIVB at maaring ikasuspindi ng POC sa IOC kung ipapagpatuloy ng POC ito. Hindi maaring gumawa ng isang aksyon ang POC na di naayon sa desisyon ng FIVB at ang tanging hangarin lang ay panatilihin sa puwesto ang mga LVPI officials.

Sa kasalukuyan, nananatiling suspindido ang Pilipinas sa FIVB at di ito maaring makilahok sa mga international volleyball tournaments.

Marahil, panahon na upang ipaalam sa POC kung sino talaga ang makapangyarihan. Marahil, ngayon na ang tamang panahon para iparating sa POC ang poot at galit ng mga volleyball fans. Panahon na para ang mga totoong nagmamahal sa volleyball at mga atleta nito ay magsama-sama at magsagawa ng aksyon laban sa pang-aaping nangyayari sa volleyball.


No comments:

Post a Comment