Matapos ang
tatlong taon na pagkawala, nagbabalik ang Pilipinas sa prestiyosong IDBF World
Championship. Ang Philippine Army Dragon Boat Team ang isasabak ng Philippine
Dragon Boat Federation (PDBF) sa prestiyosong torneo na gaganapin sa Agosto
20-25, 2019 sa Pattaya, Thailand. Nanalo ng apat na gintong medalya ang
Pilipinas sa 2015 edisyon ng torneo.
Sa isang
ekslusibong panayam, inilahad ni Lt.Col.Harold Cabunloc, team manager ng
koponan ng Philippine Army, ang paghahanda at tsansa ng kanyang koponan na makapag-uwi
ng karangalan sa bansa. Narito ang kanyang mga pahayag.
1. Paano
napili ang Philippine Army Dragon Boat Team bilang kinatawan ng Pilipinas sa
2019 IDBF World Championship?
Kami ang
number 1 team sa PDBF in terms of performance sa mga regatta. Pangalawa,
nagpa-open try-out ang PDBF at ang mga atleta ng Army ang nanguna sa
performance.
2. Ano ang
pakiramdam na ang inyong koponan ang napiling kumatawan sa Pilipinas sa
prestiyosong torneo?
Masaya at
malaking karangalan ang mapili bilang
parte ng PDBF Elite Team na kung saan 99% sa mga napiling atleta ay mga
sundalo. Ito ang pagkakataon na
iwagayway ng mga sundalo ang watawat ng Pilipinas sa isang prestiyosong torneo.
Ipapakita namin ang kagitingan ng mga sundalong atletang Pilipino.
3. Ano ang
ginagawang paghahanda ng inyong koponan?
Physical
training. We will also submit a letter request sa higher headquarters para
malaya kaming makapag-ensayo. Naghahanap na rin kami ng mga sponsors para sa
mga atleta na sasali sa torneo sa Thailand.
4. Ano ang
tsansa na makapag-uwi ng medalyang ginto ang inyong koponan?
90% ang
tsansa na makapag-uwi kami ng gintong medalya Gusto naming higitan ang
napanalunan namin noong 2011 at 2015. So far, 5 gold medals ang pinakamaraming
naiuwi ng mga atleta natin sa IDBF World Championship.
5. Kung
maganda ang ipakita ng Philippine Army Dragon Boat Team sa 2019 IDBF World
Championship, umaasa ba kayo na kayo ang isasabak sa 2019 SEA Games na
gaganapin sa bansa?
Nasa
Philippine Olympic Committee (POC) ang desisyon
kung gusto nilang isabak ang mga sundalong atleta sa SEA Games at Asian
Games. Patuloy lang namin ipapakita na kaya ng sundalong atleta na masungkit
ang gintong medalya sa ano mang torneo. Patutunayan namin na ang mga sundalong
atleta ang pinakamalakas at pinaka-disiplinadong atleta ng bansa.
6.
Maibabalik pa ba ang pamamayagpag ng Pilipinas sa larangan ng dragon boat
racing?
Yes, kaya
naming ibalik ang glory days ng Pilipinas sa dragon boat sa pamamagitan ng
excellent leadership sa sport. Pananatilihin namin ang disiplina,
propesyonalismo at suporta sa dragon boat nang sa ganun ay may sustainability
ang sport na ito.