Maraming kuwento ng tagumpay ang nabuo sa nakaraang Palarong Pambansa na ginanap sa lalawigan ng Antique nitong nakaraang Abril. Isa na rito ang kuwento ni Amiel Klyde Obay ng Laguna. Sa kabila ng kahirapan sa buhay, nakuha pa rin ng Grade 9 na mag-aaral ng University of Perpetual Help Binan ang magpursige sa volleyball. Kaya naman, nakuha ng Perpetual Binan ang kampeonato sa boys volleyball sa 2017 NCAA - South, 2017 Southern Tagalog Calabarzon Athletic Association (STACAA) AT 2017 Palarong Pambansa sa kanyang pangunguna bilang team captain.
Sa isang panayam kay Bandera Correspondent Eric Dimzon, inilahad ni Obay ang kanyang hirap patungo sa tagumpay. Narito ang kanyang mga pahayag.
1. Kailan ka nagsimulang maglaro ng volleyball ?
Obay : Grade 4 po. Sa Dela Paz Elementary School po sa Binan.
2. Bakit volleyball ang napili mong isport ?
Obau : Actually po, gusto ko lang po tumakas sa klase nuon (tawa). 5 pm po kasi ang labas namin sa klase. Pero kung sasali po sa training sa volleyball, 4 pm ang labas namin. Kaya sumali po ako sa training (tawa).
3. Paano ka napunta sa Perpetual ?
Obay : Ni-recruit po ako. May dual meet po kasi nun at kasali po ang school namin. Naglaro po ako laban sa Perpetual. Nakita po ako ni Coach Edu (Lirio) at kinuha ako sa regional championship game. After the championship game po, kinausap po ako ni Coach Edu at tinanong kung gusto kong mag-aaral sa Perpetual at maging player. Grinab ko na po yung opportunity. At binigyan po ako ng athletic scholarship.
4. Ano ang naging susi ng tagumpay ng iyong koponan sa Palarong Pambansa ?
Obay : Tingin ko po hardwork. May sistema po kasi ang training sa Perpetual. Talagang sinasagad po kami sa training ni Coach Edu. Hindi po kami pinapabayaan ni coach.
5. Inasahan mo ba na mananalo kayo ng ginto sa Palaro ?
Sa totoo lang po, hindi talaga. Nag-aalangan po kami. Pero alam po namin na may laban po kami. Bago po kami pumunta ng Palaro, nanalo na po kami sa NCAA South at STACAA in historic fashion.
6. Ano ang masabi mo sa experience mo sa Palaro ?
Obay : Nakaka-tense po. Halu-halo po ang emosyon lalo na at ako pa po ang team captain.
7. Paano kayo ininspire ng mga coaches nyo sa Palaro ?
Obay : Lagi po nila sinasabi na hindi na sila ang magpapanalo sa amin. Desisyon na raw po namin ang manalo. Kaya yun po ang tumatak sa isip namin.
8. Ano ang mahahalagang aral ang natutunan mo sa Palaro ?
Obay : Kailangan pong magtiwala sa mga teammates. Mahalaga po ang disiplina. At Kailangan po buo ang loob para manalo. Wag intindihin ang mga sinasabi ng mga kalaban. At tiwala lang po sa sarili at Diyos.
9. Naiingit ka ba sa ibang players dun sa Palaro ?
Obay : Natutunan po namin sa Perpetual na hindi namin kailangan ang magagarang gamit at tirahan para manalo. Kaya hindi po ako nainggit.
10. Paano nakakatulong ang paglalaro ng volleyball sa iyo ?
Obay : Malaki po ang naitutulong ng paglalaro ko ng volleyball. Nakakapag-aral po ako sa Perpetual dahil sa paglalaro ko ng volleyball. Narututo rin po akong makisalamuha sa ibang tao dahil sa volleyball. Sa family ko rin po nakakatulong, Yung allowance ko nakakatulong sa gastusin po sa bahay kahit paano.
11. Supportive ba ang pamilya mo sa paglalaro mo ?
Obay : Supportive po sila. Kaso kulang po talaga sa financial kaya po hindi sila nakakapanuod sa laro ko. Nakikibalita na lang po sila. At yung nanay ko po, may sakit na bronchial asthma kaya di po talaga nakakapunta sa laro namin. Ang tito ko lang po ang sumusuporta sa pamilya namin. Wala na po sa amin si papa. Buti na lang po at nakaalis na po yung kapatid ko nitong nakaraan lang po para magtrabaho po sa Saudi.
12. Sinu-sino ang nais mong pasalamatan sa tagumpay na patuloy na dumarating para sa iyo ?
Obay : Unang-una po si God. Siya po ang may gawa ng lahat. Second po, si Coach Edu po. Kahit po financially, tinutulungan po ako ni coach. Kahit po siya may pangangailangang pinansyal din, di po siya nagsasawang tumulong sa akin. Sa kanya ko po natutunan na wag sumuko sa mga hirap na pinagdadaanan sa buhay. At kay mama. Hindi po siya nagsasawang sumuporta kahit ganun po kalagayan niya. Salamat po talaga sa kanila.
No comments:
Post a Comment