Tuesday, December 27, 2016

ANG NAGBABADYANG PAGKATALO NG PVF

courtesy of LVPI

Kung akala ng Philippine Volleyball Federation (PVF) na madali nitong makukuha ang ganap na tagumpay at muling pagkilala ng FIVB sa pamamagitan ng ad hoc committee na magsasagawa ng imbestigasyon, nagkakamali ito.

Kailangan tandaan at intindihin ng pamunuan ng PVF na natanggal ang pagkilala hindi lamang dahil sa kagagawan ng POC at LVPI kundi malaking bahagi ng pagkawala ng pagkiilala sa PVF ay gawa mismo ng FIVB at mga namumuno nito. Naging malaki ang kasalanan ng mga namumuno sa FIVB sa kawalan ng katarungang dinanas at patuloy na dinaranas ng PVF. Hindi maisasakatuparan ang mga kagustuhan ng POC at LVPI kundi sumang-ayon at kumilos pabor sa POC at LVPI ang mga tulad nina Graca, Wei, Nasser, Wongprasert at Suzara na pawang mga mahahalagang personalidad sa FIVB at AVC.

Kapansin-pansin na sina Graca, Wongprasert, Nasser at Wei ay nasa FIVB Board of Administration (BA) na siyang magdedesisyon sa mga rekomandasyon ng ad hoc committee matapos nitong magsagawa ng imbestigasyon. Saksi ang lahat kung paano pinaboran ng apat na ito ang POC at LVPI kung kaya naging madali ang pansamantalang pagpapatalsik noon sa PVF. Ngayon, muli na namang binigyan ng pagkakataon ang apat na ito na magdesisyon sa kapalaran ng PVF. Kahit na maging patas at makatarungan ang mga rekomendasyon ng ad hoc committee, ang pangkat pa rin na kinabibilangan nina Wei, Graca, Nasser at Wongprasert ang may huling pasya patungkol sa kung ano ang dapat gawin sa PVF.

Kaya sa malamang, muling makakalasap ng pagkatalo ang PVF sa kamay ng FIVB, POC at LVPI.. Sa bandang huli, LVPI pa rin ang kikilalanin ng FIVB. Ang nalalabing pag-asa na lamang ng PVF ay kung mapatunayan nito na totoo at wagas ang pakikisabwatan ng POC at LVPI kina Wei, Graca, Nasser, Wongprasert at Suzara para isahan at mapatalsik ang PVF. Ito ang malaking hamon sa patumpik-tumpik pang PVF ngayon.



No comments:

Post a Comment