Di maiwasan na maipit ang ilang volleyball players sa patuloy na girian ng Larong Volleyball sa Pilipinas (LVPI) at Philippine Volleyball Federation (PVF). Isa sa mga labis na naapektuhan ng gulo ay ang dating FEU star at kasalukuyang Philippine Airforce team captain na si Jessie Lopez. Biglang nawala ang Pilipinas Bagwis sa pagsulpot ng LVPI at si Jessie, bilang team captain ng Bagwis, ang unang nawalan ng pagkakataong muling kumatawan sa bansa sa international tournaments.
Ang dating UAAP MVP at national player ay kinapanayam ni Bandera Correspondent Eric Dimzon upang maihayag ang kanyang saloobin sa tumatagal at lumalalang gulo sa volleyball. Narito ang kanyang mga sinabi.
1. Paano ka naapektuhan ng gulo sa pagitan ng LVPI at PVF ?
Bilang isang atleta, malaking impact sa akin. After a long wait, sa wakas, may malaking company na sumuporta sa volleyball. Ang nakakalungkot, nagkaroon pa ng malaking gulo. Nakaka-down ng morale. Pagkakataon na sanang umangat nang pinakamamahal kong sport, naudlot pa.
2. Ikaw ang nag-iisang volleyball player na matapang na naghayag ng suporta sa PVF. Bakit ka kumampi sa PVF ?
Family kami sa PVF ever since napili ako maging member ng national team noong 2007. Naranasan ng team namin noon kung gaano kahirap mag-ensayo na hindi buo ang suporta at sumali sa torneo nang kulang ang gamit. Ang PVF ang nagpabago nito nang mabuo ang Pilipinas Bagwis. Kaya ipinaglaban at patuloy na ipinaglalaban ko ang PVF.
3. Bakit ka naging matapang sa social media sa pagbatikos ng mga sports writers na sumusulat patungkol sa gulo sa volleyball ?
Kailangan kasi may manindigan. I don't care kung ano isipin nila o itawag sa akin. Nirerespeto ko ang mga sports writers natin sa bansa. Alam ko na trabaho nila ang sumulat at dito sila kumukuha ng ikabubuhay. Pero ang mali ay mali at kailan man hindi magiging tama ang mali.
4. Ano sa tingin mo ang solusyon sa gulo sa pagitan ng PVF at LVPI ?
Magkaisa ang mga opisyal. Kung ang ibang opisyal ay di kayang gumawa nang mabuti, wag na sana silang sumali at makialam. Ang kailangan ng mga atleta ngayon sa volleyball ay maayos na pamumuno.
5. Bilang player, ano ang nais mong makita sa kasalukuyang namumuno sa volleyball ?
Konkretong programa para sa mga batang manlalaro, tulu-tuloy na ensayo at exposure sa international tournaments at pangmatagalang suporta sa national teams. Maglagay ng mga opisyal na nakakaalam sa volleyball at naiintindihan ang pangangailangan ng atleta.
6. Ano ang gusto mong mangyari sa Philippine volleyball ?
Magkaroon sana ng isang company na magtitiwala sa NSA ng volleyball para may magandang suporta sa mga players. Sana dumating rin ang panahon na ang Pilipinas na ang pinakamalakas sa volleyball sa Southeast Asia.
7. Anong aral ang natutunan mo sa gulong nangyayari sa volleyball ?
Manindigan sa tama. Wag magpagamit sa mga sports officials na tiwali at pansariling interes lang ang iniisip. Mas maging mapanuri sa nangyayari. Higit sa lahat, piliin ang taong pagkakatiwalaan.
No comments:
Post a Comment