Wednesday, July 22, 2015

MAY PANANAGUTAN ANG MGA PLAYERS SA GULO SA PHILIPPINE VOLLEYBALL

Nananatiling bulag, pipi at bingi sa katotohanan ang mga players kaya nanatiling masalimuot ang kaganapan sa Philippine volleyball.

Patuloy na ipinagkikibit-balikat ng mga volleyball players ang kawalanghiyaang ginawa at ginagawa ng LVPI sa PVF. Kaya naman, namamayagpag ang baluktot na sistema ngayon sa volleyball. Patuloy na sinusuportahan ng mga players ang mga ganid na LVPI officials. Kaya naman, patuloy na isinasantabi ng mga LVPI officials ang kanilang mga mahahalagang tungkulin na walang kita. Patuloy na pinipili ng mga players ang wag makialam at kumampi sa PVF. Kaya naman, nalalagay sa bingit ng alanganin ang kinabukasan ng volleyball at mga atleta nito.

Maituturing na malaking pagpapala na marami ang humahanga sa ilang mga volleyball players. Isang malaking karangalan sa mga volleyball players na marami ang umiidolo sa kanila. Kaya marapat lang na suklian ng mga players ang pagpapala at karangalang ito ng tamang desisyon at aksyon. Responsibilidad ng mga players ang manindigan sa tama at maging ehemplo lalo na sa mga kabataan. Ipakita sana nila ang pagpapahalaga sa katwiran at di lang ang pansariling kaligayahang makapaglaro para sa bayan. Isaalang-alang sana nila ang pangmatagalang kapakanan ng volleyball at mga manlalaro nito. Huwag sana silang magpagamit sa mga sports officials na walang hangad kundi palitawin na sila, mga sports officials, ang magaling kahit malayo ito sa katotohanan.

No comments:

Post a Comment