Noong nakaraang 36th FIVB World Congress, bukod sa nag-desisyon na panatilihing miyembro ng FIVB ang PVF, nagpasiya din ang FIVB GA na putulin na ang ano mang kaugnayan ng LVPI sa FIVB. Samakatuwid, natanggal na sa FIVB ang LVPI matapos ang huling FIVB Congress na ginanap sa Cancun, Mexico noong 2018.
Palibhasa malakas ang padrino ng LVPI sa FIVB BA at AVC at nagbubulag-bulagan ang POC sa katotohanan, nananatili pa ring buhay ang LVPI. Bagamat walang basehan, patuloy na naghahari-harian ang LVPI sa Philippine volleyball.
Subalit ang hindi alam ng POC at LVPI ay ang katotohanan na dumating na sa punto na hindi lang PVF ang lumalaban para makamit ang katarungan. Ngayon, nakisawsaw at nakisali na rin ang ilang bansa na miyembro ng FIVB sa laban ng PVF. Ilang mga bansa na ang nagpahayag ng suporta sa PVF at pagtutuol sa LVPI.
Ngayon, tangka ng LVPI na magpadala ng mga koponan sa ilang AVC events sa taong kasalukuyan. Ito marahil ang papatay sa LVPI at AVC sakaling papayagang sumali ang mga koponan ng LVPI. Labag sa FIVB Constitution at desisyon ng FIVB GA ang pagpayag na makilahok ang mga koponan ng LVPI. Walang karapatan ang LVPI na sumali sa ano mang AVC o FIVB event matapos itong patalsikin sa FIVB.
Dahil nakatutok na ang buong mundo sa nangyayari sa volleyball sa Pilipinas, kailangang maging maingat ng FIVB BA, AVC, POC at LVPI sa kanilang mga hakbang. Isang pagkakamali lang, tiyak ang pagguho ng mga nasabing institusyon Hawak ng PVF ang suporta ng mahigit isandaang bansa. Ito ang matinding sandata ng PVF sa patuloy na pagmamalabis ng FIVB BA, AVC , POC at LVPI.