Mahigit apat na taon nang namamayagpag ang Larong Volleyball sa Pilipinas Incorporated (LVPI) bilang National Sports Association (NSA) sa volleyball sa bansa. Bumuo at nagpadala ito ng mga pambansang koponan sa iba't-ibang mahahalagang torneo. Sa tulong ng Philippine Olympic Committee (POC), nanatiling NSA ang LVPI mula 2015 hanggang sa kasalukuyan.
Subalit sa paglabas ng 36th FIVB World Congress Minutes and Appendices, maliwanag na tapos na ang mga araw ng pamamayagpag ng LVPI. Batay sa nasabing dokumento, mismong ang FIVB ang nagsasabi at nagdedeklara na Philippine Volleyball Federation (PVF) ang miyembro at wala nang kaugnayan pa ang LVPI sa FIVB. Sa deklarasyon ito, nangangahulugan na wala ng karapatan ang LVPI na bumuo at magpadala ng pambansang koponan sa ano mang torneo.
Sakaling magmatigas ang POC at patuloy pa rin nitong kilalanin ang LVPI at mismong LVPI ang manindigan na ito ang NSA sa volleyball, nanganganib na di makapaglaro ang mga koponan ng LVPI sa mahaba-habang panahon. Ang maari lamang lumahok na koponan ng bansa ay yung binuo ng PVF dahil ito ang miyembro ng FIVB. Sa ganitong sitwasyon, ang mga atleta at coaches ang higit na apektado.
Marahil, panahon na para tanggapin ng LVPI na tapos na ang mga araw ng panunungkulan nito bilang isang NSA. Alang-alang sa mga atleta, coaches at bansa, magparaya na sana ang LVPI. Sa ganitong paraan, makikita ng lahat na ang lubusang kapakanan ng mga atleta, coaches at bansa ang tunay na pinahahalagahan nito.