|
courtesy of sg.,sports.yahoo.com |
Tangka ng Larong Volleyball sa Pilipinas, sa tulong ni Tats Suzara, na makuha ang hosting rights ng 2016 FIVB World Women's Club Championship. Tila walang natutunan ang pamunuan ng LVPI at maging si Suzara sa nangyari sa SBP nang tangkain nito na mag-bid para sa 2019 FIBA World Cup.
Una, pagalingan ang laban sa bidding process. Kung anong bansa ang may mas magagandang venues at hotels, ito ang pinapaboran. Malaking bahagi rin ang imprastraktura ng bansa sa pagpili ng host ng malalaking international sporting events na tulad ng WWCC. Umaasa ang LVPI at si Suzara na madadaan sa palakasan ang pagpili ng host country. Kaya naman inimbita pa si Jacobi sa bansa. Subalit tulad ng nangyari sa SBP, hindi umubra ang palakasan. Natalo rin sa bandang huli ang Pilipinas sa mas magagandang pasilidad ng China. Makakalaban ng Pilipinas ang Turkey sa bidding ng WWCC.
Pangalawa, isandaang milyon ang halagang dapat ilaan ng LVPI para sa nasabing torneo. Bakit hindi na lang ilaan ng LVPI ang napakalaking halaga sa grassroots program nito ? Bakit hindi na lang ilaan ang nasabing halaga sa pagpapalakas ng national teams ?
Pangatlo, ano ba ang kaugnayan ni Suzara sa LVPI at siya ang prumupronta para rito ? At bakit ang SCORE ang management group na hahawak sa hosting kung sakali ? Wala bang kakayahan ang LVPI na humawak ng malaking event na tulad ng WWCC ?
Pang-apat, bakit pa naghahangad ng hosting rights ang SCORE at LVPI gayung malapit na rin namang lumabas ang desisyon ng korte sa kasong inihain ng PVF laban sa kanila ? Batid ng SCORE at LVPI na talagang tagilid sila sa kaso. Ilalagay lang nila sa malaking kahihiyan ang bansa sa paghahangad nilang mag-host ng WWCC gayung maari silang bawian ng pagkilala.
Sa aking palagay, ito ay isa na namang ambisyosong pagtatangka ng isang National Sports Association (NSA) at isang tao na kumita ng limpak - limpak na salapi. Subalit walang kaakibat na paghahanda ang mga ito at aasa na lamang sa palakasan system. Wala talagang kadala-dala tayong mga Pilipino.